ANG HALAMAN, HAYOP, AT TAO
Ni Mariz Alliah K. Peñaflor
marizalliahpenaflor@gmail.com
http://www.missdayspring.blogspot.com
Mga Tauhan
Caimito- puno ng Caimito, may katandaan na rin
Bubuyog- isang munting bubuyog, mapagmahal na kaibigan
Tao- mga trabahador ng isang developer ng sikay na subdibisyon
Tagpuan
Magaganap ang kwento sa isang malawak na bukirin. Nakatayo ang puno ng Caimito sa gitna.
At Rise
Sa di kalayuan ay maririnig
ang kiskisan ng mga lagari
at kahoy. Papasok si BUBUYOG
sa eksena, malungkot,
patakbong lalapit kay CAIMITO.
BUBUYOG
(tatakbo at yayakapin si Caimito)
CAIMITO
anong problema, kaibigang bubuyog? Bakit malungkot ka?
BUBUYOG
Hinahakot na nina inang, itang at ng mga kapatid ko ang lahat ng aming gamit. Aalis na raw kami sa iyong sanga.
CAIMITO
Nauunawan ko ang mga magulang mo kaibigan. tama lamang ang kanilang desisyon. Maski ako, kung may mapagpipilian lamang ay gusto ko ring umalis. Subalit paano? Nakapirmis ang aking mga ugat sa lupang ito. Hindi ako maaring bunutin o ilipat sa ibang lupa. Matanda na ako.
BUBUYOG
Ayaw kong umalis kaibigan. Gusto kitang samahan...
(katahimikan)
CAIMITO
Makinig ka kaibigan. Kailangan mong umalis. Kapalaran ko ang maiwang nag-iisa.
BUBUYOG
Kapalaran? Kapalaran ba ang magdusa?
CAIMITO
Ganito rin ang nangyari sa iba pang puno sa lugar na ito. Tama, kapalaran na malipol ang mga nilalang na tulad ko.
Marahil tapos na nga ang pagsisilbi ko sa aking mga amo.
BUBUYOG
Natatapos ba ang silbi ng mga puno?
CAIMITO
Natatapos ang silbi ng mga mababang nilalang na tulad natin.
BUBUYOG
Hindi tayo mababang nilalang!
CAIMITO
Nalimutan mo na ba ang nangyari sa iyong mga kaibigan? Hinuli sila at ikinulong sa hawla kung saan pinipiga ang kanilang mga katas.
BUBUYOG
Pero... espesyal ang tingin ko sa iyo, at sa akin, sa mga tulad natin.
CAIMITO
Ano kaya ang pakiramdam na maging tao?
TAO
Kailangan nang madaliin ang pagputol sa malaking puno na yan! nakakasagabal yan sa ating trabaho. Sa susunod na buwan sisimulan na ang pagtatayo ng subdibisyon, mapapagalitan tayo ng ating amo!
BUBUYOG
Narinig mo? Hindi sila iba sa atin, sila ang tunay na alipin. Alipin ng mga burgis!
CAIMITO
At ako? malaya? Ikaw lang ang malaya.
BUBUYOG
Hindi totoo yan. Kung wala ang mga puno at halaman, mamatay kami. Nasa inyo ang aming tahanan at pagkain.
CAIMITO
Bakit ba tayo nilikhang ganito?
BUBUYOG
Huwag mong sabihin yan! Masaya akong maging isang bubuyog. Lahat tayo ay nilikhang espesyal. Perpekto ang ating disenyo.
CAIMITO
Pero hindi ako masaya! Wala nang nakauunawa ng aming halaga!
BUBUYOG
Meron! Ang mga ibon, ang mga paruparo, ang mga bubuyog, ang mga uuod!
CAIMITO
Subalit nag-iisa...
(Saglit na katahimikan)
BUBUYOG
Kaibigan...
CAIMITO
Nararamdaman ko, malapit na akong putulin. Ito na marahil ang huli nating pagkikita. Pakinggan mong mabuti ang usapan ng mga tao
TAO
Kailangan nang madaliin ang pagputol sa malaking puno na yan! nakakasagabal yan sa ating trabaho. Sa susunod na buwan sisimulan na ang pagtatayo ng subdibisyon, mapapagalitan tayo ng ating amo!
CAIMITO
Pinilit kong mamunga ng matatamis na prutas. nagbigay ako ng silong at sariwang hangin. Subalit sa bandang huli, ganito pa rin ang aking sasapitin. Hindi ako nanunumbat, alam mo iyan. Ang gusto ko lang naman ay maisip ng mga tao ang aming halaga. Kung mawawala kami, mawawala rin ang sariwang hangin. Mawawala na ang mga sariwang prutas na pumapawi sa gutom ng mga magbubukid. Pero siguro nga... siguro nga iba na ang panahon ngayon, mas kailangan na ang industriyalisasyon.
BUBUYOG
Mali sila... maling talikuran ka.
CAIMITO
Naririnig mo ba ang tunog na iyon? Paalam na kaibigan.
BUBUYOG
Ayaw kong umalis kaibigan, gusto kitang samahan-
CAIMITO
Makinig ka kaibigan. Kailangan mong umalis. Panahon na upang iwanan mo akong mag-isa... Marahil nga hindi ito ang kapalarang tinakda ng Maykapal sa atin. Pero siguro nag-iba na ang lahat sa modernong panahon. Salamat sa iyo kaibigan, pinalakas mo ang loob ko sa maikling panahon na tayo ay nag-uusap. Hindi ko na mapipigilan ang mangyayari sa akin, hanggang dito na lang ang buhay ko. Pero ikaw, munting kaibigan, humanap ka ng bagong tahanan, mabuhay ka ng malaya. Ito lang ang ating magagawa sa kasalukuyan.Sa hinaharap, umaasa ako na mas magigng maayos ang pagtrato ng mga tao sa atin.
(Maririnig ang tunog ng lagari)
CAIMITO
Paalam na kaibigan... oras na ng paglipad.
BUBUYOG
(yayakapin si Caimito)
Habangbuhay kong babaunin ang iyong alaala.
(lilipad palayo).
WAKAS
Comments
Post a Comment