Maikling kwento ni
Mariz Alliah K. Peñaflor
Pinulot
ko ang maliit na bakal sa lupa. Nagkalat ang mga ito sa kalsada dahil nagkaroon
nanaman ng maiinit na putukan noong nagdaang gabi.
“Dante, ano ba iyang pinupulot mo?” tanong sa akin ni
kuya Dencio.
“Mga bala. Malay mo maibenta natin ito doon sa malaking
tindahan sa bayan. Makakabili na tayo ng bigas,” sagot ko.
“Ano ba iyang sinasabi mo? Binomba na rin ng mga hapon ang
mga gusali roon. Sino pa ang bibili niyan? Ang mabuti pa, bilisan mo na lang
ang paglalakad upang makauwi tayo nang maaga. Hinihintay na ni Delia itong
gamot,” inis na sabi ni kuya.
Binitawan ko ang kapirasong bakal na aking hawak.
Dahan-dahan akong naglakad sa likuran ni kuya. Sa mura naming gulang ay namulat
na kami sa hirap at karahasan. Ngayong araw, naglakad nanaman kami ni kuya nang
napakalayo para lamang makahingi ng gamot sa may kampo. Nilalagnat kasi ang
aming bunso.
Habang binabaybay namin ang kahabaan ng mga bukid, na halos
wala nang mga tanim, napadaan kami sa harap ng kubo ni Mang Betong. Hinihimas
niya ang balahibo ng nag-iisa niyang manok habang nakatalungko. Sa palagay ko
ay pinag-iisipan niya kung iluluto na ba niya iyon sa hapunan o huwag muna.
Kung sa bagay, halos wala na kasing makain ang mga tao dito. Kahit ang aming
pamilya ay pinagtitiyagaan na lamang ang mga kamoteng nahuhukay namin sa
likod-bahay.
Hindi ko na matandaan kung kaillan kami huling nakatikim ng
manok. Mag-iisang taon na rin siguro. Simula kasi noong nagsimula ang gyera,
hindi na nakapasok pa si nanay sa patahian sa bayan. Siya na lang kasi ang
nabubuhay sa aming mga magulang. Namatay kasi si tatay sa malaria noong ako ay
apat na taong gulang pa lamang. Hindi naman kami masyadong hirap noon
dahil may mga pananim naman kaming gulay. Bigas na lang ang kailangan bilhin ni
nanay, saka karne paminsan-minsan. Pero ngayon, kahit bigas bihira na lang
kaming maka-amot.
Dati, marami rin ang mga alagang manok ni Mang Betong.
Medyo maalwan ang kanilang buhay dahil bukod sa mga alaga, malago rin ang
kanilang mga tanim na palay at gulay. Yun nga lang, nang magsimula ang labanan
ay hindi na halos makapagtanim ang mga tao dito. Natatakot kasi silang lumabas
ng bahay. Kung hindi ka madadamay sa labanan ay baka naman mapakdiskitahan ka
ng mga dayo.
Mayroon kasing nangyaring ganoon dito. Yung anak na dalaga
ni Aling Iska, si ate Lita. Isang araw, bigla na lang nawala ang dalaga.
Natatandaan ko pa, halos katukin ni Aling Iska ang lahat ng mga bahay dito,
nagbabakasakaling nakita namin ang anak niya. Makalipas ang isang linggo,
natagpuan na lang siya na pagala-gala sa bayan. Hindi makausap at tila ba
wala na sa katinuan. Ayon sa sabi-sabi, dinukot raw at pinagsamantalahan. Kung
ano man ang totoo, si ate Lita lang ang nakakaalam, at mukhang dinamdam niya
iyon ng lubusan.
Sabik na
akong matapos ang lahat ng ito. Sabik na akong makalibot sa may plaza at
makipaglaro sa mga kaibigan ko. Sabik na rin akong bumalik sa payapang buhay.
May mga umaga at gabi na puno kami ng takot dahil sa labanan. Madalas nandoon
kami sa silong ng aming kubo, halukipkip ang aming nangangatog na mga
tuhod.
BANG!
Napayuko kami ni kuya sa lakas ng pagsabog. Umalingawngaw
sa aking tenga ang malakas na tunog. Nakakabingi.
“Bi-li-s…
ta-k-bo… Dan-te....”
Parang may
tinig akong naririnig. Nakakahilo. Naramdaman ko na lang na may kamay na
humihila sa aking braso. Ang sakit ng tenga ko. “Kuya… ayokong mamatay…”
“Hindi…
aabot tayo sa bahay.”

Comments
Post a Comment