Ni Mariz Alliah K. Peñaflor
Naramdaman ko ang pagdapo ng nagbabagang alitaptap
Sa aking braso
Halos mapahiyaw ako sa hapdi
Subalit pinigilan ko ang aking sarili
Dahil baka mapalingon ang mga aninong
Nagtatago sa dilim.
Sumasayaw ang mga anino
Sa indayog ng musika ni Juana
Parang mga diwata
Sa gabing walang buwan
At pundido ang mga tala.
Baka matawag ko ang pansin nila
Sa di kalayuan
Pag nagkagayon, saan naman ako tatakbo?
O kanino?
Natutulog na kasi ang mga aso
Sinadya kaya o pinilit sila? Ewan.
Ang sabi ni mama
Lumakad ka lang nang matulin
Wag ka nang lilingon pa kung saan-saan
Baka makatagpo mo ang mga mata
Sa dilim.
E kung umindayog nalang tayo
Kasabay nila?
Ewan... Bakit... Hindi... Ayoko...
Walang nakakawala sa hipnotismo ni Juana
Kahit ang mga aso
Pero hindi ako.

Comments
Post a Comment