Ni Mariz Peñaflor
Nadapa nanaman si mama sa may tokador
Paliwanag n’ya sa amin ng may ngiti
Sana si Superman ako, para malabanan ko ito
Halos gabi-gabi na lang kasi na pinapatid si mama
Ni hindi na nawala ang mga pasa sa kanyang malungkot na mukha.
Tuwing alasais, dumarating ang tokador
Sa sobrang kaba na mapatid rin, namumutla ang aking maliit na labi.
Siguro ganoon rin ang nararamdaman ni kuya
Kasi nakakunot ang kanyang noo
Buong magdamag.
Paglaki ko, hindi ako magiging tokador
Ayokong maging isang masakit na katitisuran
Si kuya kaya magiging tokador rin? Sana hindi
Pero sa ngayon sino ang magliligtas kay mama,
Sa tokador na pumapatay sa aming pamilya?

Comments
Post a Comment