Tinig

 


Ni Mariz Alliah K. Peñaflor

    Narinig ko nanaman ang tinig. Parang kahapon lang nang huli ko iyong marinig. Saan ba iyon nanggagaling? Luminga-linga ako sa  paligid upang alamin kung sino ang nagsasalita. Nguinit ang kumpulan ng tao sa aking magkabilang tabi ay tila ba mga estatwang nakapagkit lamang ang tingin sa mga nagdaraang dyip. Walang nagsasalita. Mukhang wala rin naman silang naririnig. Maging ang ale sa aking harapan ay abala rin lamang sa pag-aabang ng dyip, sa wari ko'y hindi rin niya nauulinigan ang tinig.

    Ako lang ba ang nakakarinig? Pero malinaw naman ang kanyang bawat sambit. Malakas pa nga eh. 

  Halos hindi ko na iginagalaw ang aking mga kamay. Ang isip ko'y gumagala, nakikipaglaban sa aking damdamin. Tama ba talaga? Bakit nga ba ako nakatindig sa gitna ng kumpulan? Bigla kong naalala, kailangan ng gamot ni inay.

   Pero may ibang sinasabi ang tinig. Nakaklito. Dama  ko ang kirot na  dulot nito sa aking puso. Ah tama, marahil ito na nga ang pagkakataon upang gawin ko ang nais ko. 

    Dahan-dahan, pigil-hininga, kinalabit ko ang ale sa aking harapan, "Ale, ang pitaka n'yo po nalaglag." 

    "Ay, salamat," sabi niyia.

    Tapos na. Pagdaka'y dumating ang dyip. Ang kumpulan ng tao sa aking palibot ay unti-unting naglaho, at binitbit nito ang tinig na kumurot sa  aking puso.


    

Comments