Read also in Likatalaya Illustration from Pixabay
Ni Mariz Alliah K. Peṅaflor
Sabado, 6:00 ng hapon.
Lumipas na pala
ang maghapon.
Gaya ng kinagawian, halos buong araw na tulog si ate dahil night
shift ang kanyang trabaho bilang online teacher. Si kuya naman ay may sarili na ring
pinagkakaabalahan. Bilang isang engineer, madalas na lang s’yang nakaharap sa
kanyang laptop upang intindihin ang kanyang mga proyekto sa kumpanya. Kami
naman ni Jing-Jing ay may iba na rin mga interes kaya hindi na kami masyadong
nag-uusap. Puro na lang kasi siya social media, at sa lahat ng pagkakataong
nag-uusap kami ay puro palabas o di kaya’y buhay ng mga artista ang bukambibig
n’ya. Naiintindihan ko naman s’ya kahit papaano sapagkat dumating din ako sa
ganoong punto noong high school. Hindi pa kasi masyadng busy sa pag-aaral
kaya’t marami pa akong oras magmarathon ng mga palabas. Ngayong nasa kolehiyo
na ako, minabuti ko nang ilaan ang aking panahon sa pag-aaral. Hindi kasi
ganoon kadali ang kursong nursing, pero kapag may bakanteng oras, nagbabasa
naman ako ng mga nobela para hindi makulta ang aking utak sa kakareview. Si mama naman, kung hindi nagluluto, nananahi
o naglalaba, siya ay nakikipagkwentuhan sa kapit bahay kaya’t hindi rin siya
naiinip. Si Lolo… ano nga bang ginagawa ni lolo tuwing ganitong oras?
Nung mga bata pa
kami at wala pang kanya-kanyang buhay, isinasama pa kami ni Lolo sa talyer na
pinagtatarabahuhan niya pagkasundo niya sa amin galing eskwela. Doon marahil
nakuha ng aking kuya ang interes sa mga makina. Tuwing Sabado naman, kaming
magkakapatid ay dinadala niya s bukid para mag-jogging. Pagkagaling naman namin
sa church service tuwing Linggo, ay ipinagluluto niya kami ng meryenda. Ang
pinakapaborito ko noon ay turon at maruya. Yun nga lang, may limang taon na
siguro nang huli ko iyong matikman. Nastroke kasi lolo at mula noon ay hindi na
bumalik ang dati niyang lakas. Marahil ay dahil na rin sa kanyang edad. At
marahil ay nagbago na nga kaming lahat mula noon. Wala na ang malalakas na
halakhakan mula sa matitinis na tinig ng aming kabataan.
Maya-maya ay may
narinig akong munting halakhak. Parang umalingawngaw ito sa gitna ng
nakabibinging katahimikan dito sa bahay. Sumilip ako ng bahagya sa sala, at
doon ay nakita ko si lolo na nakaupo sa kanyang wheel chair. Kakaiba na ang
tunog ng kanyang halakhak. Mahina na ito at garalgal, gayun pa ma’y bakas pa
rin ang di ko malilimutang musika ng kanyang masayang pagtawa. Kagaya ng dati.
Bigla tuloy
akong napaisip. Nagbago rin kaya si Lolo? Ang tagal na kasi noong huli kong narinig
ang tawa niyang ganoon kasigla . Para ba akong bumalik sa isang masayang
alaala.
Ibinaba ko ang
hawak kong aklat. Pagkatapos ay nagtungo ako sa kinauupuan ni Lolo upang
malaman ang kanyang gingawa.
“Lolo, ano po
ang ginagawa ninyo?” Tanong ko sa kanya.
“Wala ito apo, tinitingnan ko lang ang mga
larawan ninyo,” masayang sagot ni Lolo.
“Ang lalaki n’yo
na talaga, tingnan mo ito ang liit-liit pa dito ng kuya mo,” sabi niya sabay
pagtawa, subalit sa gilid ng aking mata, napansin kong nagpunas siya ng kanyang
luha.

Very moving. This is true
ReplyDeleteI was crying when I wrote this.
Delete