Mama

Illustration from Pixabay 




Isinulat ni

Mariz Alliah K. Peṅaflor

2020



Mga Tauhan

Felicia – Ina ng pamilya Talavera. Masipag, may pagka-istrikto ang dating

Dominick- Panganay na anak. May pagka-suplado at mainitin ang ulo. Graduating sa kursong electrical engineering.

Dante- kakambal ni Cora. Ikalawang anak. Mabait at masipag na anak. Kumukuha ng auto-motive course sa TESDA.

Cora- kakambal ni Dante. Mahinhin. Second-year accounting student. Laging nakapustura.

Carmen- Ikaapat na anak. Maaalalahanin. Pinaka-close kay Dante. Nasa ika-12th grade.

Clara- Bunsong anak. Pinakamakulit. Close kay Cora.

Tiya Pining- Kapatid ni Felicia. Palangiti.

 

 

Tagpuan

Sa Nueva Ecija. Kasalukuyan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Unang Yugto

Unang Tagpo

Umaga ng Sabado. Sa hapag-kainan.

Pagkatapos kumain.

001 Fely: Saan ka nanggaling kagabi Dominick? Hindi kita nakitang umuwi.

002 Niko: Sorry ma, nag-overnight po kami sa bahay ng classmate ko, tinatapos pa po kasi namin yung thesis ng grupo.

003 Fely: Ganun ba, eh kung ganun patulugin n’yo muna ang kuya n’yo at napuyat yan. Dante ikaw muna ang mag-deliver ng mga kakanin.

004 Dante: Opo ma.

005 Fely: Ikaw Cora, bakit si Clara ang pinaglalaba mo ng mga damit mo? Kaya hindi makapag-aral ang kapatid mo dahil tinatambakan mo ng gawain.

006 Cora: Sorry ma, nag-aaral po kasi ako para sa departmentals,

007 Clara: Opo… ma, hindi naman po n’ya ko pinipilit eh kusa ko po yung ginagawa, saka may sweldo naman po yon mula kay ate.

008 Fely: Carmen, ikaw naman bakit alas-otso ka umuuwi? Di ba hanggang alastres lang ang klase mo? Saan ka nagpupunta?

009 Carmen: Ahm… ano po kasi nagpapractice po kami para sa foundation day ng school. Kaya po hindi po ako nakakauwi agad.

010 Fely: Mga anak, ayoko lang sana na may tinatago kayo sakin kaya ko kayo tinatanong ng ganito. Basta, ang gusto ko mag-aral kayong mabuti at wala muna sanang mga distractions. Alam n’yo naman na mahirap ang buhay hindi ba? Kaya magpursigi kayong makatapos, wag kayong gumaya sa ibang kabataan dyan.

011 Niko: Opo ma.

012 Fely: Sige na ayusin n’yo na ang lamesa at maglinis kayo ng bahay dahil darating ang Tiya Pining ninyo. Aalis lang ako sandali para mamalengke sa bayan.

013 Cora: Ma, aalis po sana ako ngayon, may report po kasi kaming tatapusin sa bahay ng classmate ko.

014 Fely: Eh di ba sembreak n’yo na?

015 Cora: Ah opo… pero kaylangan pa rin po namin ipasa yung report before magcompute ng grades ang mga prof namin.

016 Fely: O sige, basta wag kang magpapagabi at wag ka nang sumama pag naggala pa ang mga classmates mo.

017 Cora: Opo ma.

Aalis si Felicia. Magsisimula nang magligpit ang mga anak.

018 Niko: Mauna na ko sa inyo. Matutulog lang ako sandali. (aalis)

019 Dante: Ako rin aasiksuhin ko na muna yung mga idedeliver. (aalis)

020 Cora: Carmen, pwede ba pakipag-pagan na lang ng alikabok yung mga pasimano sa sala, kami ni ni Clara ang bahala dito.

021 Carmen: O sige ako na ang bahala don. (aalis)

022 Clara: Ako na ang bahala dito ate. May pupuntahan ka pa di ba?

023 Cora: Aba, ang bait ng bunso namin ngayon ah.  Bakit nga ba?

024 Clara: Secret.

025 Cora: Tsk ikaw talaga bunso. Sige gagayak na ko.

026 Clara: Okay.

Aalis si Cora.

 

Ikalawang Tagpo

Sa sala. Habang naglilinis

Si Carmen.

027 Dante: Carmen, idagdag mo na to sa allowance mo. (abutan ng pera)

028 Carmen: Para san to kuya? Hindi ko naman kaylangan ng extra, sakto naman yung binibigay ni mama na allowance sakin eh.

029 Dante: Wag ka nang magsikreto pa samin, alam ko kung san ka nagpupunta pagkatapos ng klase mo.

030 Carmen: Pano mo nalaman kuya?

031 Dante: Nakita kita nung isang araw.

032 Carmen: Sinabi mo kaya mama?

033 Dante: Hindi dahil ayaw kitang pangunahan. Hindi tama na nagsisinungaling ka kay mama. Kung ayaw mong magalit siya sayo itigil mo na ang pagtatrabaho mo d’on. San mo ba gagamitin ang kinikita mo?

034 Carmen: Hindi ko pwedeng sabihin. Basta mahalaga ang rason ko.

035 Dante: Kung ayaw mong sabihin sakin, sabihin mo man lang kay mama. Ako na ang bahalang magdagdag sa allowance mo.

036 Carmen: Bibigyan mo pa ‘ko ng pera kuya, eh kung tutuusin kaya ka nagvocational course kasi kapos tayo di ba? Gamitin mo na lang yan sa pag-aaral mo.

037 Dante: Hindi yun ang dahilan ko.

038 Carmen: Kung ganun ano?

039 Dante: Basta wag ka nang magtanong, sundin mo na lang ako. (aalis dala ang mga idedeliver.)

Darating si Pining.

040 Carmen: Tita Pining, ang dami naman po ng dala n’yo.

041 Pining: Ay oo, bagong pitas itong mga gulay sa bakuran. Aba’y sabi ko sa mama n’yo eh dadalhan ko siya. Nasaan nga ba si Fely?

042 Carmen: Sumaglit lang po sa bayan si mama para po mamalengke ng gagawing kakanin bukas.

043 Pining: Ay ganun ba? O s’ya ako na ang magluluto nitong gulay. Tamang tama may dala rin akong baboy dito. Magluluto ako ng sinigang sa pananghalian.

044 Carmen: Naku Tita, ako na po ang bahala dyan, magpahinga po muna kayo dito sa sala, ang init po sa labas eh.

045 Pining: Ikaw talaga Carmen. Ako na ang bahala dito, saglit lang naman ito eh.

046 Carmen: Sige po tita. Ah tita, huwag n’yo po pala babanggitin kay mama yung sikreto ko ah. Baka po madulas kayo eh, kilala n’yo  naman po si mama, baka patigilin n’ya po ako. Sige po.

Pupunta si Pining sa kusina.

 

Ikatlong Tagpo

Sa sala.

047 Pining: Hay, nakakapagod din ang init.

048 Carmen: Gusto n’yo po ba ng maiinom Tita?

049 Pining: Sige nga, masarap uminom ng malamig kapag ganito ang panahon.

050 Carmen: Sige po. Maghahain na rin po ako sa kusina.

Darating si Felicia.

051 Fely: O Pining kanina ka pa ba dumating?

052 Pining: Ay hindi naman, inuna ko lang magluto pagdating ko.

053 Fely: Dapat yung mga bata na ang hinayaan mong magluto, marurunong naman na yag mga yan eh.

054 Pining: Ano ka ba ayos lang parang hindi mo naman ako kilala, gusto ko talagang nagluluto di ba?

055 Delivery guy: Tao po! Tao po!

056 Fely: Sino yan?

057 Delivery guy: Dito po ba nakatira si Dominick Talvera?

058 Fely: Ay dito nga ho. Ano pong kaylangan nila?

059 Delivery Guy: Delivery po para sa kanya. Pakipirmahan na lang po ito. (Pagkatapos ay aalis na.)

060 Fely: Ano ba ito? (Babasahin ang nakasulat sa sticker)

061 Pining: Eh mamahalin to ah, nakikita ko yan sa internet, yung bang ginagamit ng naglalaro sa kumpyuter.

062 Fely: Eh ba’t naman bibili si Dominick ng ganito?

063 Pining: Eh baka naman libangan baga ni Dominick yan. Pabayaan mo na nag-aaral naman ng mabuti yang anak mo. Mainam na yan ng hindi makulta ang utak sa kakareview.

064 Fely: Ang sa akin lang naman ayoko bang madistract sa pag-aaral yung mga bata. Eh di ba nababalita sa TV na may mga naaaddict sa kakalaro ng mga kumpyuter games nay an? Lalo na si Domonick graduating pa naman s’ya ngayong taon.

065 Pining: Ay naku baka masyado ka lang nag-iiisip. Teka, tawagin ko na nga si Dominick. (lalabas habang tinatawag si Dominick.)

Papasok si Dominick kasama si Pining.

066 Niko: Ma.

067 Fely: O anak, natanggap ko itong order mo. Eh sabi ni tiya mo pang-gamer daw ito.

068 Niko: Ah… ano po kasi ma, naglalaro lang po ako paminsan-minsan.

069 Fely: Eh wag mo naman sana ubusin ang allowance mo dito anak. Kung may naiipon ka itabi mo na lang para sa mga gastusin mo sa thesis, o kaya sa graduation mo di ba?

070 Niko: O-opo ma. Sorry po.

071 Fely: Ano ka ba anak, syempre ayos lang sa’kin na maglibang-libang kayo, bumili kayo ng gusto n’yo bilhin, basta, pokus pa rin dapat sa pag-aaral, ha? Mas mahalaga na makapagtapos kayo ng mga kapatid mo.

072 Niko: Opo ma.

073 Pining: O sige na pumunta na tayo sa kusina, mananghalian na tayo bago pa lumamig ang sabaw.

 

Ikaapat na Tagpo

Sa sala. Papasok si Cora na

may kausap sa telepono.

Ibabagsak ang pouch sa sofa

074 Cora: (pabulong) Ano? Wag mo sabihin sa’kin na hahayaan mo na lang akong solusyunan ang lahat? Nagpapatawa ka ba? Hindi ko to maisiskreto to ng matagal! Ano? Hindi ko kayang gawin yan! Hindi ko akalain na ganyan ka ka-walang kwenta! Sana nakinig ako kay mama… (biglang ibababa ang telepono. Pupunta sa kusina.)

Papasok si Fely na may dalang mga labahin. Papalitan ang mga kobre at kurtina. Kukunin ang pouch pagkatapos ay lalabas. Darating ang isang lalaki.

075 Gary: Tao po! Tao po!

076 Fely: Sino yan?

077 Gary: Nandyan po ba si Niko?

078 Fely: Oo Hijo, saglit lang at tatawagin ko. Dominick! May naghahanap sa’yo!

079 Niko: Sino daw ma?

080 Fely: Ay ano ba ang pangalan mo hijo?

081 Gary: Gary po.

082 Fely: Ay Gary daw anak. Classmate ka ba ni Dominick?

083 Gary: Po? Hi-

Nagmamadaling lumabas si Dominick.

084 Niko: Opo ma, classmate ko po si Gary.

085 Fely: O s’ya magmeryenda muna kayo. Saglit lang at ikukuha ko kayo ng makakain. (Pupuntang kusina.)

086 Gary: Pare, hindi pa ba alam ng nanay mo?

087 Niko: Oo nga di ba? Kaya nga sabi ko sa inyo wag kayong pupunta rito.

088 Gary: Ang labo nun pare, imposibleng hindi madiskubre yun ng pamilya mo.

089 Niko: Basta, sasabihin ko rin naman, pero hindi muna ngayon. Sige na umalis ka na bago pa bumalik si mama. Susunod na lang ako.

090 Gary: Sumunod ka agad ah, hindi tayo pwedeng matalo. (Aalis na si Gary)

Papasok si Felicia na may dalang mga kakanin.

091 Fely: O anak nasaan na yung classmate mo?

092 Niko: Ah umalis na po si Gary, nagmamadali po kasi s’ya eh.

093 Fely: Ganun ba? Sayang naman at hindi n’ya naabutan tong dala ko. Napansin ko nga pala hindi na napapadaan dito si Niel saka si Jana.

094 Niko: Ahm busy na po kasi sila.

095 Fely: Ganun ba?

Papasok si Clara.

096 Clara: Wow anong meron? May bisita ba?

097 Fely: Eh dumating yung kaklase ng kuya n’yo kaso umalis naman agad kaya hindi naman nakapagmeryenda.

098 Clara: Sabi na eh kasi hindi naman ipapameryenda ni mama yung mga tinda natin kung walang bisita.

099 Fely: Aba’y syempre para hindi tayo malugi. Ikaw talagang bata ka lagi mo na lang inaawitan itong mga tinda natin. O s’ya sige na tawagin n’yo ang mga kapatid n’yo at magmeryenda na kayo.

100 Clara: Kayo po?

101 Fely: Ay hindi na sa inyo na iyan, busog pa ako. Saka madami pa akong ginagawa.

102 Niko: Ma, kumain na kayo mamaya na yan.

103 Fely: Hindi na anak, nagmamadali ako at kaylangan matapos ko itong lalabhan ko bago mawala yung init sa labas. (Lalabas)

104 Clara: Ate Carmen, Ate Cora, kuya, meryenda tayo!

105 Carmen: Uy anong meron? Ang generous yata ni mama ngayon?

106 Dante: Siguro di mo tinigilan si mama hangga’t hindi nagpapameryenda no?

107 Clara: Oy hindi ah, may bisita kasi si kuya kanina? Di ba kuya?

108 Niko: Uy, wala ah, wala kaya akong bisita.

109 Clara: Oy kuya grabe ka! Hindi ko naman talaga inawitan si mama ah!

110 Niko: (tatawa) joke lang.

Papasok si Cora.

111 Cora: Clara, nakita mo ba yung pouch ko sa kwarto ko?

112 Clara: Hindi ate, hindi pa ako pumapasok sa kwarto mo eh. Bukas pa ako maglalaba.

113 Cora: Ikaw Carmen, nakita mo ba?

114 Carmen: Hindi rin ate eh, baka naman nailapag mo lang kung saan.

115 Cora: Tingnan n’yo nga dyan sa upuan.

Maghahanap ang magkakapatid.

116 Carmen: Wala naman dito.

Papasok si Felicia.

117 Fely: Ito ba ang hinahanap mo ha Cora? (Hawak-hawak sa isang kamay ang ultrasound).

118 Cora: Ma…

119 Fely: Magsabi ka nga sa akin ng totoo? Kanino ito?

120 Cora: Sorry po ma…

121 Fely: Akala ko pa naman anak nag-aaral kayo ng mabuti. Iginagapang ko ang pag-aaral ninyo pero imbis na mag-aral pagnonobyo ang inaatupag ninyo! Buong akala ko naiintindihan n’yo ang mga pangaral ko sa inyo bakit ganito ang ginawa mo?

122 Cora: Sorry ma…

123 Fely: Ang gusto kung marinig ay paano nangyaring nabuntis ka habang ang paalam mo lang sa akin ay mag-aaral kayo sa labas! Nagpapakahirap ako para makapagtapos kayong lahat, kaya nga sa edad kong ito ay kung anu-anong hanapnuhay ang pinapasok ko. Tapos hindi naman pala kayo nagtitino. Gusto n’yo bang maging ganito rin ang buhay ninyo? Ha Cora?

124 Carmen: Ma, tama na po…

125 Fely: Hindi eh, hindi naiintindihan ng ate mo.

126 Niko: Sino ang tatay n’yan, ha Cora?

127 Cora: Classmate ko po.

128 Niko: Anong plano n’ya sayo?

129 Cora: Hindi ko po alam.

130 Fely: Ayan, ayan na nga ba ang sinasabi ko eh, mga bata pa kasi kayo, wala pa sa utak n’yan ang pananagutan!

131 Niko: Dalhin mo dito sa bahay yan para malaman natin kung ano balak n’ya, kasi kung tatakbuhan ka n’ya ihahabla natin yan. Ang mga iresponsableng lalaki na kagaya n’yan kaylangan turuan ng leksyon!

132 Cora: Opo.

133 Fely: Tama na yan, Dominick. (Pupunta sa kwarto)

 

Ikalimang Tagpo

Sa sala. Kinabukasan.

134 Pining: Ano ang balak mo kay Cora? Pa’no na yung pag-aaral n’ya?

135 Fely: Eh syempre, hindi ko naman gustong maghinto yung bata dahil ayoko namang masira nang tuluyan ang buhay n’ya. Iba pa rin ang may pinag-aralan. Pagkapanganak n’ya babalik s’ya sa eskwela. Kaylangan pa rin n’yang makapagtapos dahil yun lang naman ang kaya kong ipamana sa mga anak ko.

136 Pining: Ano daw balak nung lalaki?

137 Fely: Ewan ko ba, eh gusto makausap ni Dominick. Kung ako lang ayoko talagang makita ang pagmumukha nung lalaking yon dahil sinira n’ya ang buhay ng anak ko.

138 Pining: Sino daw ba yung lalaki?

Papasok si Carmen na may dalang dalawang baso ng juice.

139 Carmen: Ma, tita, inom po muna kayo. (pagkatapos ay mauupo sa isang tabi para magtiklop ng damit.)

140 Fely: Eh kaklase rin ni Cora.

141 Pining: Sayang naman ano, kay ganda-ganda pa naman ng kurso nila.

142 Fely: Ang taas pa naman ng pangarap ng batang yan. Sabi n’ya pagka-graduate n’ya ng accountancy, mag-iipon s’ya para makapag-aral sa Amerika. Ewan ko ba biglang nawala sa pokus.

143 Pining: Hayaan mo na, nangyari na ang nangyari. Siguro naman natuto na ng leksyon si Cora. Huwag mo nang masyadong pagalitan dahil baka ma-discourage yung bata.

144 Fely: Hindi ko naman kayang tiisin yung anak ko eh. Ang sa akin lang, ayokong maging katulad sila nung ibang kabataan na sa sobrang luwag ng magulang ay hindi nila naintindihan ang pagkakamali nila sa buhay.

145 Pining: Hay, mahirap pa naman ang buhay. Akala siguro ng mga kabataan eh ganun-ganun lang ang pag-aasawa ano? Sa ganitong edad natin eh syempre nangangarap din tayo na makaranas man lang ng ginhawa, pero kung ang mga anak natin eh hindi naman matututo sa buhay, tatanda na lang siguro tayong ganito.

146 Fely: Sa akin wala naman na akong pangarap para sa sarili ko, ang gusto ko lang, kahit sila man lang ay magkaroon ng magandang buhay. Ayoko naman na maranasan rin nila yung naranasan nating hirap na ke- magsaki ng sibuyas, ke-maglabada, magtinda, kung anu-ano lang ba para makaraos. Ayaw ko naman nun, gusto ko na Makita silang nakapusturang pumapasok sa opisina. Yung may sweldong maayos.

May kakatok sa pinto. Makikita ang dalawang classmates ni Dominick sa labas.

147 Niel: Tao po! Tao po!

148 Fely: Sino yan?

149 Jana: Magandang araw po tita

150 Fely: Ay kayo pala Jana. Ang tagal n’yong hindi napadaan dito ah

151 Jana: Ay opo, medyo naging busy na rin po kasi. Ahm, nandito po ba si Niko?

152 Fely: Naku, wala kasi si Dominick eh, sinundo nung kaklase n’yo rin, si Gary ba yun? Eh may tinatapos pa ata kayong thesis di ba?

153 Niel: Po? Ahm, wala po kaming kaklaseng Gary tita.

154 Fely: Eh sabi ni Dominick kaklase n’yo raw yun.

155 Jana: Wala po bang nakukuwento si Niko sa inyo tungkol sa school?

156 Fely: Eh wala naman s’yan naikukwento. Ano bang meron sa school n’yo?

157 Niel: tungkol po sana sa graduation.

158 Fely: Ay ganun ba? Eh kaylan ba ang graduation n’yo? Itong si Dominick ay hindi naman nagkukwento, akala ko naman eh wala pang date. Ang sabi kasi n’ya eh hindi pa naman daw tapos yung thesis n’yo kaya wala pang sinasabi tungkol sa graduation. Ah teka, ma-itext nga si Dominick para malaman n’yang nandito kayo. (kukunin ang phone)

159 Niel: (Pabulong)Jana, sasabihin ba natin?

160 Jana: Kung hindi natin sasabihin baka pabayaan lang ni Niko ang grades n’ya. Saka baka mas mabigla si tita kapag mas matagal na naitago ito sa kanya.

161 Fely: Eh kaylan nga ba ang graduation n’yo para mapaghandaan yung bayarin?

162 Jana: Actually tita, hindi po kasi namin s’ya ma-contact kaya sumadya na kami rito. Nag-aalala po kami sa graduation candidacy ni Niko, kasi naibagsak po n’ya yung major exams namin last sem. Pero bilang president po ng klase namin, gusto ko po sana s’yang tulungang contact-in ang mga prof namin, baka sakali pong mahabol pa n’ya yung grades n’ya.

163 Niel: Saka kami rin po yung mga ka-grupo n’ya sa thesis. Ang totoo po n’yan hindi s’ya umaattend sa schedule namin.

164 Fely: Ha? Eh ano yung mga paalam n’ya na gagawa raw ng thesis? Ano bang nangyayari sa batang yon?

165 Jana: Yun nga po tita, nag-aalala na rin po kami kasi hindi naman po s’ya nagkukwento sa amin. Akala ko naman po alam na po ninyo.

166 Fely: Eh salamat at nasabi ninyo dahil wala man lang akong kaalam-alam.

167 Niel: Sige po tita, mauna na rin po kami. Hindi na po namin hihintayin si Niko. Babalik na lang po siguro kami sa ibang pagkakataon.

168 Fely: Sige hijo, ingat kayong dalawa.

169 Jana: Salamat po. (aalis na sina Niel at Jana)

Maya-maya ay papasok si Nikos a pintuan. Mukhang nagmamadali.

170 Niko: Ma, sina Jana? Nakaalis na ba sila?

171 Fely: Oo nakaalis na.

172 Niko: Ano pong sinabi nila? May nabanggit po ba sila sa inyo?

173 Fely: Alin ba? Yung pagbagsak mo sa exams n’yo? O yung hindi mo paaggawa ng thesis? Ano pa Dominick? Ano pa ang hindi mo sinasabi sa akin?

174 Niko: Ma, hindi po sa ganun, hindi ko naman po gustong magsinungaling sa inyo.

175 Fely: Hindi mo man gustong magsinungaling pero hindi ka naman nagsasabi ng totoo sa akin! Ang masama pa rito kung hindi pa pupunta yung mga kaklase mo hindi ko malalaman. Ano bang ginagawa mo ha Dominick?! Hinihintay ko pa naman ang graduation mo anak yun pala kaya hindi mo masabi-sabi dahil hindi ka ga-graduate. Eh mukhang mas concerned pa sa grades mo yung mga kaklase mo eh? Sino yung Gary na yun ha? Umamin ka hindi mo s’ya kaklase di ba?!

176 Niko: Kasamahan kop o s’ya sa gaming.

177 Fely: Ayan, sinasabi ko na nga ba eh kaya wala ka sa pokus, kasi nahihilig ka sa kalalaro! Kaya ko kayo pinagbabawalan sa kakabarkada d’yan sa labas dahil walang maidulot na maganda yan sa inyo!

178 Niko: Ma, hindi naman po sa ganun. Nag-aral naman po ako. Nag-aaral ako hangga’t kaya ko ma, pero hindi lang talaga ako pumasa!

179 Fely: Eh kaya nga sana isinantabi mo muna yang mga hindi naman importante para sana mas nakapag-laan ka ng oras sa pag-aaral. Anak naman, isang taon na lang makaka-graduate ka na! Akala mo ba madaling magpaaral sa kolehiyo? Hindi mo ba nakikita ang hirap ko sa paghahanapbuhay, para sana hindi ninyo kaylanganing magworking-student at makapag-pokus lang kayo sa pag-aaral!

180 Niko: Yun na nga ang problema ma! Gusto ko naman sanang suklian ang hirap ninyo kaso hindi naman ako kasing galing ng mga kapatid ko! Buti sana kung pinayagan n’yo rin akong kunin ang gusto ko gaya ni Dante eh di sana mas nakakatulong na ‘ko sa inyo.

181 Fely: Anak naman, bakit ba kinaiinggitan mo yung kapatid mo, eh kaya ko yan ipinakuha sayo dahil gusto ko magkaroon ka ng magandang propesyon.

182 Niko: Bakit si Dante pinagbibigyan ninyo sa lahat ng gusto n’ya? Eh kung tutuusin ako ang anak n’yo!

183 Fely: Anak ko kayo pareho!

184 Niko: Bakit ayaw n’yong marinig nila? O ayaw n’yong masaktan ang damdamin ng paborito n’yong anak-anakan?

185 Fely: (sasampalin ang anak) Wag mong pagsalitaan ng ganyan ang kapatid mo!

186 Niko: Ma, pwede ba, kahit minsan ako naman ang paboran n’yo. Iparamdam n’yo naman na ako ang anak n’yo at hindi si Dante.

Papasok si Dante, na kanina pa pala nakikinig sa labas.

187 Dante: Wala kang karapatan na pagsalitaan nang ganyan ni mama.

188 Niko: Syempre kasi paborito ka diba?

189 Dante: Pwede ba, umayos ka nga. Ikaw ang panganay dito pero ikaw ang hindi makaintindi.

190 Niko: Talagang hindi ko maiintindihan kasi kung sino pa ang bastardo siya pa ang mas siga dito!

191 Dante: (kukuwelyuhan) Pasalamat ka, kung wala akong utang na loob baka sinuntok na kita! (iaalis ang kamay sa damit ni Dominick.)

192 Niko: Sige, ituloy mo tutal, sino ba ang kakampihan dito? Di ba ikaw? Kasi ikaw perpektong anak. Anong utang na loob ang sinasabi mo? Kung talagang may utang na loob ka sa pamilya ko, sana inaalam mo ang lugar mo!

193 Dante: Sumusobra ka na, akala mo ba hindi ko yun iniisip? Palibhasa, puro sarili lang ang iniintindi mo. Para sabihin ko sa’yo gusto ko rin ng mga bagay na meron ka. Gusto rin mag-aral sa magandang school, gusto ko rin mag-engineering, pero dahil bastardo lang ako kaylangan kong magparaya. Tingin mo nagmamagaling ako dahil tinutulungan ko si mama sa paghahanap-buhay kahit ayaw n’ya? Ginagawa ko yon para naman makabayad ako sa lahat ng kinakain ko at ginagastos ko dito! Masaya ka na? Pero alam mo kung ano ang lamang ko sayo? Ako, nirerespeto ko si mama, hindi katulad mo walang pakialam sa mga sakripisyo n’ya!

194 Niko: Ang yabang mo ah (susuntukin ni Dante.)

195 Fely: Tama na yan! Tumigil na kayo! Ano ba ang pagkukulang ko sa inyo, bakit nagkakaganito kayo mga anak? Masama ba akong nanay? Hindi ko ba naibibigay ang mga pangangailangan ninyo? Kulang ba kayo sa gabay? Hindi ko kayo pinalaking ganito! (pupunta sa kwarto).

 

Tapos ng Unang Yugto.

 

Ikalawang Yugto

Unang Tagpo

Sa sala.

196 Clara: Ate, nagkausap na ba kayo ni mama?

197 Cora: Hindi pa. Pakiramdam ko masama pa rin ang loob ni mama sa amin ni kuya kaya hindi ko alam kung pa’no s’ya lalapitan.

198 Clara: Pero kung hindi mo kakausapin si mama, paano natin mapapagaan ang loob n’ya? Sa palagay ko pakiramdam ni mama hindi natin pinapahalagahan ang lahat ng mga pangaral n’ya sa’tin.

199 Cora: Kaso nahihiya akong harapin si mama.

200 Clara: Eh di sasamahan kita. Tutal may kasalanan rin naman ako sa kanya. Ang totoo n’yan matagal ko nanag alam yung tungkol sa sikreto mo.

201 Cora: Pa’no mo nalaman? Kelan pa?

202 Clara: Last month. Eh pa’no ang kalat mo kaya sa gamit. Lagi mo na lang naiiwan kung saan-saan yung pouch mo kaya ayun nakita ko rin yung ultrasound mo before.

203 Cora: Ah, kaya pala bigla kang bumait sakin. Pinaglalaba mo pa ko, akala ko tuloy kung anong masamang hangin ang umihip sa’yo eh. Ba’t hindi mo sinabi sa’kin?

204 Clara: Hindi ko rin kasi alam kung paano aaminin sa’yo eh. Kaya nga nagi-guilty din ako kasi ako rin nagsikreto sa inyo ni mama.

205 Cora: Ayos lang. Wala talagang kalokohang hindi nabubunyag. Siguro nga dapat kausapin ko na si mama. Ayoko rin naman na tumagal ang sama ng loob n’ya. Kaya ikaw ha, huwag mo kong tutularan.

206 Clara: Syempre. Magpapakabait na ‘ko.

 

Ikalawang Tagpo

Sa kwarto ni Felicia.

Kakatok sina Cora at Clara.

207 Cora: Ma, kami po ni Clara to.

208 Clara: Ma, pwede po ba namin kayo kausapin?

208 Fely: Sige lang mga anak, pumasok na kayo.

209 Cora: Mama, galit pa po na kayo sa’kin?

210 Fely: Hindi ako galit anak, nag-isisp-isip lang ako. Baka kasi may pagkukulang rin ako sa inyo.

211 Cora: Ma, hindi po totoo yan. Kami po ang nagkamali dahil hindi po kami nakinig sa mga sinasabi n’yo. Sorry ma, alam ko pong nadis-appoint kayo sa’kin.

212 Fely: Ang sa akin lang, tandaan n’yo sana mga anak na ang pag-ibig na sumisibol ng wala pa sa tamang panahon ay mali pa. Alam n’yo kung bakit? Kasi ang pag-ibig ay mayroon ding pananagutan at responsibilidad. Kapag hindi ka pa handa sa responsibilidad, kagaya n’yan, hindi pa yon tama, kasi andyang magiging pasanin pa kayo ng magulang o mga kapatid n’yo; o kaya lagi n’yong pag-aawayan ang pera kapag walang magandang trabaho ang napangasawa ninyo; o baka hindi ninyo mapapakain ng tama ang mga anak ninyo. Hindi pa handa eh. Kahit sabihin pa natin na s’ya pa rin ang mapapangasawa mo sa hinaharap, kung wala pa sa isip n’yo ang pananagutan sa isa’t isa, hindi pa iyon ang tamang panahon para sa ganyang mga bagay-bagay. Kaya sana anak, wag na maulit ang ganito ha? Sa’yo din Clara.

213 Cora: Opo ma, hindi na po mauulit.

214 Clara: Ma, gusto ko rin po palang magsorry kasi nagsikreto din po ako sa inyo. Last month ko pa po nadiskubre yung sikreto ni ate pero tinago ko din po. Pero hindi po yun alam ni ate ah, kanina ko lang din po inamin sa kanya, promise.

215 Fely: Wala na yon anak. Basta simula ngayon wala na sanang magsisikreto pa ng ganyan sa akin ha? Kasi hindi ko man lang nalalaman kung may problema kayo.

216 Cora: Opo ma, pangako.

 

Ikatlong Tagpo

Sa sala.

217 Carmen: Kuya (lalapit kay Dante at mag-aabot ng pera)

218 Dante: O para san to?

219 Carmen: Yan yung perang binigay mo sa’kin kuya, binabalik ko na.

220 Dante: Bakit? Dahil basa nalaman mo tungkol sa’kin?

221 Carmen: Hindi ah, mas mahal kaya kita kesa kay Kuya Dominick. Secret lang natin yun ah.

222 Dante: Eh bakit mo pala to binabalik sa’kin?

223 Carmen: Ano ka ba kuya, ipunin mo na lang yan para maipang-tuition mo. Kaya ko naman kitain yung kaylangan ko eh.

224 Dante: Para san mo ba kasi kaylangan ng pera?

225 Carmen: Ang totoo n’yan pinag-iipunan ko kasi yung regalo ko kay mama sa birthday n’ya. Ang mahal kasi nung smart phone na gusto kong bilhin eh.

226 Dante: May mura namang cell phone ah, kayang-kaya mo nga yong ipunin sa baon mo eh.

227 Carmen: Ano ka ba kuya, magreregalo na lang ako kay mama gusto mo pa yung pinaka-mura, syempre ang gusto ko naman ibigay yung mga worth 6 K. Yung maganda-ganda. Para pag nag-college ako sa Maynila pwede kaming mag-video call lagi.

228 Dante: Sus, eh wala ka ngang cell phone pa’no mo mavivideo call si mama.

229 Carmen: Eh di regaluhan mo ko sa birthday ko. Tamang-tama, sakto yun sa pasukan.

230 Dante: Ah kaya pala pinag-iipon mo ko, gusto mong bilhan kita ng cell phone kala ko pa naman talagang concerned ka sa future ko.

231 Carmen: Hindi naman kuya, pero syempre kasama na rin dun yung panregalo mo sakin.

232 Dante: Ayos ka ah, magkano ba kasi yung binabayad sa’yo don?

233 Carmen: Maliit lang. P100 isang araw, samantalang ang dami-dami kong nililinis na sibuyas dun sa sakian.

Biglang papasok si Clara.

234 Clara: Ah, kaya pala lagi kang amoy sibuyas pag-uwi mo,nakikisaki ka pala, akala ko talaga kulang ka na sa deodorant ate!

235 Carmen: Ano? Grabe ka!

236 Clara: (tumatawa) Sorry te, kasi naman eh pasikre-sikreto ka pa dyan. Para san ba yung kikitain mo don?

237 Carmen: Hay, ano ba yan, mag-eexplain nanaman ako. Para yun sa birthday ni mama okay? Nag-iipon ako ng panregalo. Kaya ikaw, quiet ka lang ah, baka hindi pa umabot sa birthday ni mama nalaman na n’ya.

238 Clara: Don’t worry ate, maaasahan ako d’yan.

 

Ikaapat na Tagpo

Sa Kwarto ni Dominick.

Kakatok si Felicia.

239 Fely: Anak, pwede ba kitang makausap?

240 Niko: (itatabi ni Niko ang kanyang mga gaming stuffs) Sorry po makalat dito.

241 Fely: Anak sorry kung parang napapabayaan kita, at puro si Dante lang ang napapansin ko.

242 Niko: Hindi po, ako po dapat ang magsorry sa inyo dahil nasigawan ko po kayo.

243 Fely: Nahihirapan ka ba sa kurso mo? Kung nahihirapan ka, sige papayagan kitang kunin yung gusto mo, pero ayos lang ba kung tapusin mo muna ang engineering? Kasi sayang naman dahil malapit ka na sa finsh line. Kapag bigla mo na lang binitawan, mawawalan ng saysay lahat ng hirap mo.

244 Niko: Opo ma, tatapusin ko po itong kurso ko. Sorry po kung bigla ko na lang pinabayaan ang grades ko.

245 Fely: Naiintindihan kita anak. Mali din naman ako na hindi ko man lang inalam ang pangarap mo. Ano ba ang gusto mo, yung may koneksyon sa kupyuter? Computer engineering ba yun?

246 Niko: Computer Science po ma.

247 Fely: Ay ganun ba? Sige anak, kung yan talaga ang kursong gusto mo, susuportahan kita d’yan basta wag mo nang uulitin na magsikreto ng ganito ha? At saka wag mo sanang pagselosan ang kapatid mo. Hindi ko paborito si Dante, ang sa akin lang ayoko naman na maramdaman n’ya, na dahil wala na ang tatay n’yo, eh wala na s’yang magulang. Bilang kuya gusto ko sana na pakitunguhan mo s’ya ng maayos.

248 Dante: Hindi ko kayo maintindihan ma. Di ba dapat nagagalit kayong maalala ang panloloko ni papa?

249 Fely: Oo naman, nandun na tayo. Pero si Dante, hindi naman n’ya kasalanan na maging anak sa labas hindi ba? Saka sino pa ang kukupkop sa kanya, wala na ang tatay n’yo, wala na rin ang nanay n’ya. Isa pa napamahal na rin si Dante sa akin.

250 Niko: Sorry po ulit sa nangyari kahapon.

 

Ikaanim na Tagpo

Sa kusina. Makikita ang

Lamesa na puno ng handa.

251 Clara: (may dalang cake) Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!

252 Cora: Happy birthday ma.

253 Fely: Aba, may pa-cake pa kayo ah!

254 Clara: Syempre po pinaghandaan namin to nina kuya. At, may special pang regalo sa inyo si Ate Carmen. Ayun po oh, buksan n’yo na agad ma!

255 Fely: Talaga? Ano ba ito? (Bubuksan. Makikita ang brand new smartphone). Aba, ang ganda naman nito. Saan ka nakakuha ng pambili ng cell phone?

256 Carmen: Pinag-ipunan ko po yan ma. Ang totoo po n’yan kaya hindi po ako nakakuwi agad kasi suma-sideline po ako sa sakian nina Tita Pining

257 Fely: Alam ko na yan anak. Nakuwento na ni Pining sa akin ang tungkol d’yan.

258 Carmen: Sabi ko na nga ba madudulas si tita. Hay!

259 Fely: Ikaw talaga anak. Eh bakit mo ba ako binilhan nito ang mahal nito ah.

260 Carmen: Eh syempre po, pa’no n’yo po ako mavi-video call sa Maynila kung wala po kayong smart phone? Kaya po ayan.

261 Fely: Naku salamat anak. Eh paano ka, wala ka naman nito, paano kita matatawagan?

262 Carmen: Si kuya Dante daw po ang bahala.

263 Dante: Uy wala akong sinabi ah.

Tatawa si Carmen.

265 Niko: O siya tama na yan. Kumain na tayo bago pa lumamig ang mga pagkain.

 

WAKAS

 

 

 


Comments