Read also in Likatalaya Illustration by Pixabay
Ni Mariz Alliah K. Peñaflor
“I
hate eagles,” sabi ko sa isip ko habang sinusundan ng tingin ang bagong
kalendaryong isinabit ni mommy sa aming pader. Ano bang meron sa ibon na yan?
Taon-taon na lang, kapag papalitan ni mommy ang kalendaryo sa ding-ding,
parehong disenyo lang ang pinipili nya, yung may malaking agila na nakakampay
ang mga pakpak. Mayroon ding napakalaking painting nito sa aming sala. Siguro,
kung hindi siya minimalist, pupunuin niya ang buong bahay ng pigura nito.
Minsan, nao-offend talaga ako dahil mas malaki pa ang kwadro nito kaysa sa mga
litrato ko.
“Mommy,
eagle nanaman? Ayaw nyo po ba ng ibang ibon like maya, dove or chicken? You
know, para maiba naman po,” nasambit ko dahil hindi ko na mapigilan ang
pagkaumay ko rito.
“Bakit?
Ayos naman ah, maganda nga eh,” sagot niya kasabay ng isang maluwang na ngiti.
“Sige
na nga,” sagot ko na lang. Pagpunta niya sa kusina para ipasok ang iba pa
niyang ipinamili, sinamantala ko na ang pagkakataon para umalis. Sumigaw na
lang ako ng malakas na “bye mommy” para hindi na niya ako bilinan pa. Masyado
kasi siyang malambing at ayaw ko ng ganoon.
Masyado nang “corny” para sa edad ko. Pag aalis kasi ako, kung anu-ano
pa ang ibinibilin niya na tumatagal ng limang minuto. Sayang lang ang laway niya,
dahil hindi naman ako nakikinig. Madalas, umaalis ako habang nakatalikod siya
para mayroon akong dahilan upang hindi niya ako maabutan. Kagaya ngayon.
Mga
sampung mabibilis na hakbang pa lang ang layo ko sa amin ay narinig ko na ang
sigaw ni mommy sa likuran.
“Jane, anak, saglit lang!” Sigaw niya sabay
takbo palapit. Napangiwi ako sa aking narinig. Ano ba yan, dapat pala tumakbo
na ako kanina.
“Mommy,
bakit pa po kayo sumunod? Ang layo ko na po ah”
“Ano
ka ba anak, syempre gusto kitang makitang umaalis,” malambing na sagot niya.
“Ang
drama mo talaga mommy, sige na po, malelate na po ko,” sagot ko.
“O
siya sige mag-iingat ka ha, wag ka magpapagabi sa daan. Tawagan mo ako pag may
problema. God bless,” Tuluy-tuloy niyang litanya habang unti-unti na akong
humahakbang paalis.
Ewan
ko ba, hindi ko talaga gusto ang ganitong eksena. Siguro dahil dalaga na ‘ko.
Pakiramadam ko bata pa rin ang tingin ni mommy sakin. O hindi? Sa totoo lang
hindi ko siya maintindihan. Malambing siya sa akin pero hanggang doon lang yon.
Sa mga importanteng bagay kasi, kung kaylan kaylangan ko ng kasama, hinahayaan
niya lamang ako. Napaka-ironic nun dahil grabe naman ang kanyang paghahabilin
bago ako lumabas ng pinto. Gaya nung nag-apply ako para sa OJT, at noong
nag-entrance exam ako para sa kolehiyo, binilinan niya lang ako ng kung anu-ano
pero hindi naman niya ako sinamahan. Paano kung naligaw ako di ba? Ang layo
kaya ng Maynila dito sa Laguna, at unang beses ko iyong mapapalayo. Noon pa
siya ganoon, nakasanayan ko na lang din sa paglipas ng panahon.
***
Pagsakay
ko sa bus, agad kong binuksan ang aking cell phone. Syempre, message ni mommy
ang bumungad sa wall. Mga bilin at marami pang mga bilin. Minsan ayoko na ngang
basahin dahil paulit-ulit lang naman ang nilalaman nila. Pero nami-miss ko rin
naman ang mga ganitong pag-aalala ni mommy kapag nasa dormitoryo ako.
***
Si
mommy, siya yung tipikal na working mom. Siguro yun din ang dahilan kung bakit
wala siyang gaanong oras sa akin. Matagal na kasing patay ang daddy ko at ang
nag-iisa ko namang kapatid ay may pamilya na sa States. Kung tatawag man si
kuya ay bihira lang dahil sa dami ng trabaho niya sa kanilang opisina.
***
Iidlip
na sana ako nang tumunog ang aking cell phone. Si Gina, ang kaklase ko. Mukhang
alam ko na ang sasabihin niya. Panigurado padadaanin nanaman niya ako sa
tindahan ng piyaya.
“O
Gee? Bakit? Papabili ka ng piyaya no?” Natatawa kong tanong.
“Sira,
pag tumawag may kaylangan agad?” Sagot niya na may kasunod na malakas na tawa.
“Hindi
ba? Parang hindi ako naniniwala,” bulalas ko habang tumatawa.
“Oo
nga, paalalahanan lang sana kita kung nadala mo yung hinihiram kong libro?”
Na
sa kamalasamalasan ay nakalimutan ko lang naman sa pagmamadali kanina.
“Don’t
tell me nalimutan mo?” Pag-uusisa ni Gina na pakiramdam ko ay may kutob na rin
na hindi ko dala.
“Sorry
talaga Gee, nagmadali kasi ako kanina eh… alam mo naman anong oras na, eh
ala-una dapat nandyan na ako sa school.”
“Sus,
kala mo naman hindi malelate si ma’am, eh di ba nga Filipino time?”
“Kahit
na ‘no ayoko nang nale-late”
“O
Farmers na, Farmers! Araneta! Ali Mall!” Nanlaki ang aking mata at tumingin sa
labas. Nasa Cubao na pala kami. Ni hindi ko man lang namalayan ang haba ng
byahe.
“O
siya sige na, bababa na ko ng bus, mamaya na lang,” sabi ko kay Gina habang
inaayos ang aking mga dalang bag.
“Sige
girl, ingat.” Si Gina na ang nagbaba ng telepono. Buti na lang dahil hindi na
talaga ako magkandamayaw sa dami ng aking mga gamit. Ang hirap din
magdormitoryo, lingo-linggo kang puyat at pagod sa byahe at dami ng mga dala.
Ayaw ko din namang manatili sa dormitoyo tuwing Sabado at Linggo dahil mas
masarap ang pagkain sa bahay at mas komportable ang aking kama.
***
Ang
kagandahan lang kay mommy, hindi siya masyadong nag-aalala sa amin. Pinapayagan
niya kami ni kuya na lumayo at magpunta kung saan-saan. Pero maganda ba talaga
yun? Di ba parang mas maraming bata ang napapahamak kapag masyadong hinayaang
lumayo? Pakiramdam ko nga, kung ibang kabataan lang ako, baka inabuso ko na ang
kalayaang binibigay niya, tutal sinanay naman niya akong huwag palaging umasa
sa kanya.
Sa
totoo lang, malapit ako sa mommy ko. Sadyang ayoko ko lang talaga na tinuturing
pa rin akong bata na laging kinukumusta at pinapaalalahanan. Kaya ko naman na
ang sarili ko. Si kuya nga, sa ganitong edad na 19 ay pinabayaan na niya na
tanggapin ang scholarship sa America at mamuhay ng mag-isa. Saka, hindi naman
ako pasaway, ni hindi nga ako gumigimik eh. Alam naman niya yun dahil hindi ko
ugaling makibagay sa mga ginagawa ng iba. Ganun naman kasi kaming pinalaki nina
mommy at daddy. Sabi ni Gina, nakakabagot raw ang buhay ko dahil eswelahan-
bahay lang madalas, ang sagot ko lang sa kanya, “subukan mo kaya, malalaman mo
na mas masaya.” Syempre hindi siya kumbinsido pero ayos lang.
Itinuturing
ko ang sarili kong masuwerte kasi mababait ang mga magulang ko, kaya
nagi-guilty rin ako na hindi ko na nilalambing si mommy gaya ng dati. Siguro
dala na rin ng hiya ng pagdadalaga. Pero isa lang ang sigurado, hindi naman
nagbago ang pagmamahal ko sa kanya.
***
“Ma’am?
Pinatawag nyo daw po ako?”
“Ah,
oo pasok ka. Binabasa ko kasi itong gawa mong non-fiction, and something just
caught my interest,” sagot ng propesor ko habang nakangiti.
Ang
totoo niyan, kinakabahan talaga ako dahil sa bus ko lang iyon isinulat kanina.
Pero dahil napukaw ko ang interes ng aking guro, malamang papasa ako sa
takdang-araling ito.
“Do
you know how mightily eagles fly?” Nakangiting tanong sa akin ng aking
propesor.
“Po?
Ah… hindi po ma’am,” yun na lang ang sinabi ko kaysa manghula. Ba’t ko ba kasi
sinimulan sa linyang iyon, tinanong tuloy ako ni ma’am. Yun pala yung something
interesting na sinasabi niya eh. Patay!
“Kapag
maliit pa ang agila at hindi pa marunong lumipad…” pagpapatuloy niya, “ililipad
siya ng kanyang nanay pataas, saka hahayaang malaglag… ”
Nagulat
ako sa sinabi ni maám. Anong klaseng magulang ang itutulak ang anak sa
kapahamakan?
“She
will let her young fall, so that it will learn to strive to move his wings and
fly…”
Pinaagmasadan ko siyang mabuti upang hintayin
ang susunod niyang sasabihin
“..
and then catch him afterwards. Sa ganitong paraan ay malalaman ng munting agila
ang pakiramdam ng unang paglipad. Dahil dito, hindi na siya matatakot na ikampay
ang kanyang maliliit na pakpak at tumalon patungo sa pinakamalalapit na puno,
hanggang sa matuto siyang lumipad at maging matapang sa pagsuong sa malalakas
na bagyo. Ganun katatag ang agila, pumapaibabaw siya sa mga ulap gamit ang
kanyang malalaking pakpak.
Nang
marinig ko iyon, bigla kong naisip si mommy
“Your
mom loves you very much.” Sabi niya sabay abot ng aking papel.
Kaya
pala, naiintindihan ko na.

Comments
Post a Comment